Ang masaklap sa sitwasyon natin, hirap na hirap ang ating bansa kaya ang antas ng pamumuhay ng karamihan sa kapwa natin na Pilipino ay masyadong mababa! At dahil sa masyadong mababa na ito, umabot na tayo sa puntong ang iniisip natin na paraan para yumaman ay mag aral at mangibang bansa at doon magtrabaho. Habang buhay tayong kakayod sa mga dayuhan habang hinihintay ang panahon na makaipon tayo. At pagbalik sa Pilipinas makalipas ang 5 o 10 o 20 na taon, mauubos din ang ipon tapos balik na naman sa pagiging walang PERA! Hindi ko nilalahat ang sitwasyon pero kadalasan ganito ang nangyayari.
Hindi ko alam kung maniniwala ka na nandito sa Pilipinas ang hinahanap mo na pera. Umiikot ikot lang sya sa kamay iba't ibang tao pero nandito pa rin. Ang PHP 100 sa bulsa ko ngayon ay ipambibili ko ng pagkain sa tindahan ni Pedro mamaya, ibibigay niya ang PHP50 sa kanyang mga anak para may pamasahe bukas, ibinayad ng mga anak ni Pedro kay mamang tsuper ang PHP 20 etc. At ganito umiikot ang pera. Sa madaling salita, pwedeng umabot sa'yo ang pera na nasa bulsa ko ngayon kung gugustuhin mo. Ang problema na lang ay kung paano mo magagawan ng paraan para mapunta sa iyo. Paano? Sa pamamagitan ng pagnenegosyo. Huwag mo na munang isipin ngayon kung saan ka kukuha ng pang negosyo mo. Dahil sinasabi ko sa'yo na hindi yan mahirap na gawan ng paraan.
Kahit magbasa ka sa aklat ng kasaysayan, lahat ng naitalang pinakamayayaman na tao sa mundo(maliban sa mga magnanakaw at mandarambong) ay negosyante. Ang pinaka masayang bahagi pa nito ay halos lahat sila ay nanggaling sa kahirapan. Maging sa Pilipinas sa kasalukuyang panahon, sina Lucio Tan, Henry Sy atbp. ay pawang mga negosyante.
Sa populasyon ng Pilipinas na humigit/kumulang 100 milyon na tao, napakaraming oportunidad sa larangan ng pagnenegosyo ang naghihintay sa iyo. Nasa sa iyo na yun kung anung hakbang ang gagawin mo sa tuwing umusbong ang oportunidad.
Nagsisimula ang lahat ng pagnenegosyo sa ating utak. Ayon sa aklat na isinulat ni Napoleon Hill na Think and Grow Rich, tinawag niya itong "desire". Kung nasa sa iyo ang totoong kagustuhan na yumaman, ginagawan mo ng paraan ang bawat balakid na makakapagpigil sa iyong kagustuhan. Ang desire ang siyang kusang nagtutulak sa atin para maging malikhain, masipag, matipid atbp. Dahil na rin sa kahirapan nating mga Pilipino, natuto tayong mangarap na umangat sa buhay kung kaya karamihan sa atin ang nagtataglay ng "desire", kaso hanggang doon lang sa pangarap. Mahilig na lang mangarap at umasa sa himala o kaya ay nag-iisip ng pinakamabilis na pagkuhanan ng pera. Ang tamang pagnenegosyo ay nagsisimula sa utak.
Hindi totoo ang sinasabi ng karamihan sa kultura nating Pilipino na mag-ipon ng mag-ipon para yumaman. Kaya karamihan sa atin ay hindi umaangat kahit may puhunan na kasi nasanay tayo sa ganyang klase ng edukasyon na pang pinansiyal! Ang ibig kong sabihin ay hindi dapat iniipon ang pera sa bangko ng matagal kasi bumababa ng kalidad nito.
Isipin mo na lang na ganito: Kung may PHP 100000 ka sa bangko at iiwan mo doon ng isang taon, sabihin na lang natin na ang interest rate ay 5% at may PHP5000 ka sa isang taon. Akala natin may kita ka na doon pero ang totoo, nalugi ka, Isaalang alang natin ang tinatawag na "depreciation" o ang pagbaba ng kalidad ng pera. Isang magandang halimbawa ng "depreciation" ay ang pera mo na PHP1000 noong 1990 ay hindi pareho ng halaga ngayon. Kaya hindi nakakapagtaka na kung ang halaga ng isang kilong bigas na PHP10 noon ay PHP50 ngayon at magiging PHP100 makalipas ang ilang taon.
Samantalang kung ang PHP10000 mo ay pinang negosyo mo ng kahit maliit na negosyo na kumikita ng PHP5000 kada buwan, may kita ka na PHP60000 sa isang taon. Lubhang mas malaki kesa sa nailabas ng pag tatago ng pera sa bangko. Pero diyan ka pa lang nag uumpisa. Ang kita ng unang negosyo mo na PHP6000 ay ibubukas mo ng isa pang negosyo. Kung ang pangalawang negosyo mo ay magbibigay pa sayo ng kita na PHP5000 kada buwan, magiging PHP10000 na ang kita mo sa kabuuan. Pero hindi mo pa rin ito gagastusin. sa loob ng isa pang taon at meron kang PHP 120000 ibubukas mo ulit ng bagong negosyo at paulit ulit ang proseso hanggat marating mo ang ninanais mong kita. Tandaan, ito ay simpleng calculation pa lamang. Dahil sa aking personal na karanasan ang PHP100000 ay pwedeng kumita ng PHP10000 kapag nasa tamang pagnenegosyo. Kadalasan sa ating mga Pilipino ay humihinto na sa unang baitang pa lng ng negosyo kung kaya hindi na rin sila nagtatagal.
Hindi na rin totoo ang sinasabi na mayaman lang ang yumayaman! Kung isa ka sa naniniwala sa ganito, marami ka pang kailangan pag isipan! Ang pinagkaiba mo lang sa mayaman ay mayroon siyang kapital, at impluwensya pero hindi ibig sabihin na hindi ka rin pwedeng magkaroon ng ganyan.
Nandito tayo sa Pilipinas. Nandito ang totoong oportunidad kung titignan lang natin. Nandito ang kalayaan para magnegosyo, yumaman at guminhawa ang buhay.